Sarah has been with the COMELEC for almost half a decade.Tiga-COMELEC ka kung ang unang tanong sayo ng mga kakilala mo kapag nalaman nila kung saan ka nagta-trabaho ay, “Nasaan na ang voter’s ID ko?” At sa ika-siyam na libo dalawamput-tatlong pagkakataon ay isasagot mo, “Hindi na po nag-iisyu ng voter’s ID ang COMELEC…” Tiyak sanay ka na masabihan ng, “Wala naman kayong ginagawa kapag walang eleksyon eh.” Mapapangiti ka na lang sa sarili mo. At sa abot ng iyong makakaya ay ipaliliwanag at ipaiintindi mo sa well-meaning neighbor mo ang tunay na nature ng trabaho ng Komisyon. Sa mga payak na salita, ipahihiwatig mo na may mahabang prosesong pinagdadaanan ang bawat desisyon at aktibidad; na sa mga taon na hindi itinuturing na “election year” ay ginugugol ng mga tauhan ng COMELEC ang kanilang oras at enerhiya sa masusing paghahanda sa pinakahihintay na araw ng lahat—ang Election Day. Tiga-COMELEC ka kung at least isang beses sa buhay mo ay nasubukan mo na ang “absentee voting.” Dahil kung ang araw na ito ay holiday para sa iba, sa iyo ay hindi. Sa araw na ito ay abala ang lahat ng kawani ng Komisyon, mula sa pinakamababang posisyon hanggang sa pinakamataas na katungkulan. Kaya naman kadalasan ay wala ka nang panahon para pumunta sa iyong polling place para maka-boto. Gayunpaman, may kakaibang galak at pagmamalaki sa puso mo dulot ng pagkakataon na maging parte ng isang napaka-halagang kaganapan sa bansa. Panigurado ay sanay ka na makarinig ng mga kandidatong di umano ay dinaya. Hindi na bago sayo tuwing may chismis ang kapitbahay na dinaya daw ang resulta ng eleksyon kasi hindi nanalo yung kandidato nya, o di kaya nadaya naman daw kasi ang PCOS/VCM. May kirot man na dala sa puso mo ang mga ganitong alegasyon, matatawa ka na lang dahil maiisip mo na tila dito lang sa Pilipinas walang kandidato na natalo. Kasi kung hindi man sila nanalo, eh dinaya di umano. Tila negatibo man ang sapantaha ng karamihan pagdating sa usapin ng eleksyon at ng integridad nito, balewala lang ito sayo hindi dahil sanay ka na, kundi dahil sa puso mo ay alam mo ang totoo. Sa sarili mo ay alam mo na buong katapatan mong ginagampanan ang iyong mga tungkulin, naibabahagi mo ang iyong sarili sa isang bagay na mas malaki sa katauhan mo, at higit sa lahat ay masaya ka sa ginagawa mo. At kahit ano pa man na pagsubok ang dumating katulad ng pandemyang dala ng COVID-19, kakayanin mo ito dahil hinubog ka ng kulturang COMELEC at dugong COMELEC ang dumadaloy saiyo.
Uncategorized
Hinubog ng Kulturang COMELEC
by Sarah Asis