Sampung buwan at labingsyam na araw din ang itinagal ni Commissioner Augusto Lagman sa COMELEC. At sa panahong yun, walang makakapagsabi na hindi sya naging produktibo. Bilang tanyag na IT expert, naging misyon ni Commissioner Lagman na isulong ang kakayanan ng buong Komisyon – mula Komisyoner hanggang empleyado sa rank and file – na gumamit ng makabagong teknolohiya sa paraang makakapagpabilis at makakapagpataas ng antas ng trabaho. Bunga ng kanyang walang kapagurang pagsisikap ay meron na tayo ngayong ISSP – isang komprehensibong plano para sa makabuluhang paggamit ng information technology sa loob ng Komisyon. Matagal na nating kailangan yang ISSP na yan, at utang natin ang pagkakabuo niyan sa dedikasyon ni Comm. Lagman.
Nakakalungkot ang hindi pagkakare-appoint kay Comm. Lagman. Malaki ang pasasalamat natin sa kanya dahil sa kanyang sinimulang trabaho sa Komisyon. Kumbaga sa kotse, tune-up ang pakay nya, para bumilis, lumakas, at gumanda ang takbo ng ating institusyon. Subalit ngayon, ang trabahong kanyang sinimulan ay nasa kamay na natin, upang tayo na ang magpatuloy. Walang duda na kayang-kaya natin yan. Sana lang, ‘wag nating hayaan tumigil ang ating pag-arangkada dahil lamang wala nang Gus.